Si Ahura Mazda at Ahriman
Si Ahura Mazda at Ahriman: Ang pag likha ng Daigdig Ayon sa Zoroastrian
(Isinalin ni Rowena P. Festin)
Sa simula ay sina Ahura Mazda, ang Matalinong Diyos, na naninirahan sa Walang Hanggang Liwanag, at ang masamang espiritung si Ahriman na nakatira naman sa Ganap na Kadiliman At ang kawalan sa pagitan ng dalawang daigdig na ito.
Isang araw ay nagdesisyon si Ahura Mazda na lumikha. Una niyang nilikha ang langit mula sa metal na maningning at maliwanag. Pangalawa ay ang malinis at purong tubig. Pangatlo ang lupang patag at bilog, walang mga bundok at lambak. Pang-apat naman ang mga halamang walang tinik na dinidiligan ng hamog. At panlima ang malalaki at maliliit na hayop. Pagkatapos ng mga ito ay nilikha niya ang unang tao na pinangalanan niyang Gayomard. Apoy ang huli niyang nilikha. Inutusan ni Ahura Mazda ang apoy na paglingkuran ang tao sa pamamagitan ng paghahanda ng pagkain at pagpapaalis sa ginaw.
Sumilip mula sa kaniyang madilim na daigdig si Ahriman. Tinawag siya ni Ahura Mazda at sinabing, "Ahriman! Tulungan mo ang aking mga nilikha, at papurihan sila upang maging imortal ka." Sininghalan siya ni Ahriman. "Bakit ko naman sila tutulungan? Bakit ko sila pupurihin? Mas makapangyarihan ako sa kanila! wasakin ko ang iyong mga nilikha." At pagkatapos ay bumalik siya sa kadiliman upang gumawa ng mga demonyo, mangkukulam, at halimaw na aatake sa Walang Hanggang Liwanag.
Ngunit alam ni Ahura Mazda ang ginagawa ni Ahriman kaya gumawa siya ng mga Banal na Imortal na siyang magtatanggol sa kaniyang mga nilikha laban sa Walang Hanggang Kadiliman. Nilikha niya ang mga Banal na Imortal nang katulad ng kaniyang sariling kaluluwa, at binigyan niya ang bawat isa ng sarili nilang kalikasan.
Si Khashathra ang unang Banal na Espiritu, ang Matuwid na Lakas at bantay ng papawirin. Pagkatapos ay si Haurvatat, ang espiritu ng kapayapaan at pagiging perpekto. Siya ang tagapag-ingat ng tubig. Nariyan din si Spenta Armaiti, ang Banal na Debosyon, na siyang tanod ng daigdig. Si Ameretat, ang Imortalidad, ang tagapag- alaga ng mga halaman. Si Vohu Mana ang May Mabuting Isip ay bantay ng mga hayop, at si Asha Vahishta, ang Katarungan. Siya ang tagapagbantay ng apoy, at si Ahura Mazda, ginawa niyang bantay ng mga tao ang kaniyang sariling Banal na Espiritu..
Galit na galit si Ahriman nang makita niya ang mga Banal na Imortal. "Ahura Mazda! Wawasakin kita at ang iyong mga ginawa! Hindi ka magtatagumpay!" Inatake niya at ng kaniyang mga kampon ang mga nilikha ni Ahura Mazda. Sinubukan nilang dumihan ang tubig ngunit ang nagawa lang nila ay ang mapapait ito. Sinubukan nilang wasakin ang daigdig ngunit ang nagawa nila ay mga bundok at lambak. Sinubukan nilang patayin ang mga halaman ngunit nagkaroon lamang ang mga ito ng mga tinik. Nagdala ng kalungkutan laban sa kaligayahan ang mga kampon ni Ahriman. Naghatid rin sila ng kirot upang takpan ang kasiyahan, polusyon para sa kalinisan, at kamatayan para sa buhay. Inatake rin nila si Gayomard, ang Unang Tao. Dinala nila sa kaniya ang sakit at kamatayan.
Inakala ni Ahriman na nawasak na niya ang sangkatauhan, at nagtagumpay laban sa liwanag. Ngunit wala siyang alam. Nang mamatay si Gayomard, tumubo mula sa kaniyang mga buto ang halamang rhubarb. Pagkaraan ng apatnapung taon, lumitaw mula sa halaman sina Mashya at Mashyana, ang unang babae at lalaki. Ipinangako nina Mashya at Mashyana kay Ahura Mazda na tutulong ang kanilang mga anak na labanan ang kasamaan. Nagkaanak sila ng labinlimang kambal na siyang pinagmulan ng iba't ibang lahi. Ang bawat isa ay may mabuting isipan, gumagawa ng kabutihan, at maganda ang mga sinasabi. Tinupad ng bawat isa ang pangakong lalabanan ang kasamaan.
C. Kaalamang Pampanitikan
Avesta ang tawag sa banal na aklat ng Zoroastrianismo. Kalipunan ito ng mga tekstong isinulat ng iba't ibang awtor sa iba't ibang panahon tungkol sa pagsamba, mga paniniwala, at paraan ng pamumuhay. Nakasulat ito sa matandang wikang Avestan na pinaniniwalaang may kaugnayan sa Sanskrit at bahagi ng mga wikang Indo-European.
1. Yasna - Ito ang pinakamahalagang bahagi ng Avestan. Dito matatagpuan ang mga bersong binibigkas kapag nagriritwal.
2. Khorda Avesta - Ito ang aklat ng mga karaniwang dasal
3. Visperad - Narito ang iba pang mga dasal.
4. Vendidad - Ito ang aklat ng mga batas na sinusunod para sa mga kasunduan, kasalanan, parusa sa iba't ibang kasalanan, pagpapatawad sa kasalanan, paglilinis ng kagamitan para sa mga ritwal, pagtapon ng mga buhok at kuko, patay, paglilibing, at iba pa.
5. Yashts- Ito ay kalipunan ng mga awit ng papuri para kay Ahura Mazda, sa pitong arkanghel at sa mga anghel, sa buwan, araw, daigdig, at sa mga bituing Sirius at Vega.
6. Sirozas Kalipunan - ito ng dasal para sa tatlumpung banal na namamahala sa bawat araw ng bawat buwan.
7. Niyeshas - Ito ay mga dasal para sa araw, buwan, tubig, apoy, at sa apat na direksiyon.
8. Fragments - Ito ay mga tekstong hindi kasama sa mga bahagi ng Avestan.
D. Wika at Gramatika
Mga Pamantayan sa Pagsasaling-Wika
Ang pagsasaling-wika ay paglilipat ng diwa at kahulugan ng isang mensahe mula sa orihinal na wika patungo sa ibang wika. Sa gawaing ito, mahalagang naihahatid o naililipat nang wasto ang mensahe ng isinasalin sa pinagsasalinang wika kaya mahalagang isinasaisip ng tagasalin ang sumusunod na pamantayan sa pagsasalin:
1. Bago ang pagsasalin, mahalagang basahin muna ng tagasalin ang isasalin upang magkaroon siya ng sapat na kaalaman tungkol sa paksa ng tekstong isasalin. Makatutulong din ito upang malaman niya ang mensahe ng isinasalin. Mahalaga rin na ang tagasalin ay may sapat na kaalaman tungkol sa genre na kinabibilangan ng isasalin. Halimbawa, kung ang isasalin ay tula, mas makatutulong sa tagasalin kung sapat ang kaniyang kaalaman tungkol sa tula o sa matatalinghagang salitang karaniwang ginagamit sa pagtula.
2. Hindi lamang mga salita ang isinasalin. Kasama ring isinasalin ang kahulugan at mensahe. Makatutulong sa tagasalin angmalawak na kaalaman tungkol sa wikang isinasalin at wikang pagsasalinan.
3. Gumamit ng mga salitang madaling maunawaan ng mga mambabasa. Kung walang katumbas na salitang madaling maunawaan, maaaring maglagay ng footnote o endnote para sa kahulugan ng salita. Maaari ding huwag nang palitan ng katumbas ang mga salitang kultural o ang mga salitang likas sa wikang pinagmulan at tumutukoy sa isang partikular na tradisyon o gawi, at walang maitutumbas na salita mula sa wikang pagsasalinan. Ipaliwanag din ang salita sa pamamagitan ng footnote o endnote.
4. Makatutulong sa pagpapaganda at pagpapahusay ng salin kung ipababasa sa isang eksperto sa dalawang wikang sangkot sa pagsasalin ang ginawang salin. Mahalagang bukas sa mga puna at rekomendasyon ang tagasalin upang lalo niyang mapahusay ang kaniyang sining.
5. Ang kahusayan ng tagasalin ay patuloy na nalilinang sa pagdaan ng panahon at sa patuloy na pagsasalin at pagiging bukas sa mga ideya at kaalaman tungkol sa pagsasalin.